Pagsisimba, Sukatan ba ng Pananampalataya? (Sanaysay)
Sa buhay natin dumarating ang mabibigat na pagsubok na siyang susukat kung gaano tayo katatag at gaano tayo kalapit sa Diyos. Minsan ay nararanasan natin na madapa, at dahil sa sobrang lalim ng sugat nito ay hindi na natin magawang bumangon pa. Ganunpaman, pipilitin pa rin nating tumayo dahil may pinanghahawakan tayo, at ito ay ang pananampalataya sa Diyos.
Tuwing linggo, makikita natin ang mga pamilyang sama-samang nagsisimba. Maaaring nagpapasalamat, humihingi ng tulong, o kaya naman ay nagbabawas ng kasalanan. Nakakatuwa naman dahil sa sobrang abala na ng mga tao ngayon, ay di pa rin nila nakakalimutang bumisita sa tahanan ng ating Panginoon. Subalit minsan ay sumagi sa isip ko, nasusukat ba sa lingguhang pagsisimba ang pananampalataya? Dahil ba sa pagsisimba ay maliligtas ka na?
Naisip ko, ang hindi pagsisimba ay isang pagkukulang bilang isang tao, ngunit marahil ay hindi ito nangangahulugang malayo ka sa Diyos. Hindi ba’t ang pagpapakita ng kabutihan sa kapwa mo ay isang batayan kung ikaw ay may pananampalataya sa Kanya? Ang pagdarasal, kung saan ay tinatawag natin ang pangalan Niya, ay siyang nagpapatunay na naaalala natin Siya. Nagtatanong ako sa sarili ko kung bakit may mga taong mababa ang tingin sa mga taong di nagsisimba. Tila ba nauunahan na sila ng panghuhusga at naiisip agad ang mga negatibong bunga ng hindi pagsisimba.
Pero di ba’t may mga taong nagsisimba lamang upang magawa ang kanyang tungkulin bilang tao, at ang totoo nama’y hindi niya naisasagawa ang kung ano mang natutunan niyang aral mula sa salita ng Diyos? Di ba’t may mga taong gusto lamang mabansagang “banal” ngunit hindi rin naman naipapakita ang magandang asal na napulot nya sa pagsisimba? At di ba may taong gusto lamang linisin ang kanyang pangalan, alisin ang bahid ng kasamaan ngunit patuloy pa ring gumagawa ng kasamaan? Sa panahon ngayon, tumataas na ang antas ng kaisipan ng mga tao, at unti-unti nang nawawalan ng kahulugan ang pagsisimba dahil sa masasamang gawi natin. Iba-iba tayo ng paniniwala ngunit para sa akin, mas dapat natin isaalang-alang ang kabutihan kaysa sa pagsisimba na may halong pagpapakitang-tao at paghahangad lang na mapunan ang kanyang mga pagkukulang. Hangga’t alam natin na nasa puso natin ang Diyos, tiyak na mananatili Siya sa ating kalooban at mananaig ang kabutihan anuman ang mangyari.Dahil dito ay magkakaroon tayo ng matatag na pananampalataya na hindi masisira ng kahit ano at magpapadala sa anumang sinasabi o inihahatol ng iba.
0 Mga Komento:
Mag-post ng isang Komento
Mag-subscribe sa I-post ang Mga Komento [Atom]
<< Home