Larawan Ko
Pangalan:
Kinalalagyan: Philippines

I am a writer. A critical thinker. A philosopher. Emotional, Realistic, Pessimistic, Perfectionist.

Sabado, Marso 26, 2011

Bigo


Muli, nakaranas ako ng kabiguan.

Sinabi ko sa sarili ko na hinding-hindi ko ito makakalimutan habang nabubuhay ako. Oo, lahat nga ng mga kabiguang naranasan ko ay itinanim ko sa utak ko. Ito ay sa kadahilanang gusto kong balikan ang mga alaala kung saan nadapa ako at muling tumayo. Gusto kong alalahanin ang mga paghihirap at sakit na nadama ko sa mga pagkakataong nalugmok ako at halos mawalan na ng pag-asa. Marahil isa ngang kahangalan ang gawain kong ito, sapagkat sino ba naman ang maghahangad pang gunitain ang mga pangit na alaala sa kanyang buhay? Ako lang yata ang gumagawa noon. Sa totoo nga lang, heto't sinusulat ko pa ang ilan sa mga karanasang hindi ko malilimutan. O sadya lang na ayokong kalimutan.

Bakit ba kasi lagi akong bigo? Bakit lagi? Hindi ba pwedeng gawing madalang? Pakiramdam ko, napagmamalupitan na ako ng tadhana. Ayaw makipagkasundo sa akin ng sarili kong kapalaran. Pilit kong iniisip kung ano ba ang pagkakamaling nagagawa ko at kung ano ba ang mga pagkukulang na dapat kong punan. Sa bawat pagluha ko, pinipilit kong ngumiti para masabing may natitira pang pag-asa, sa ibang pagkakataon. Pero, hindi na ba mauubos ang mga susunod pang pagkakataon? May katapusan ang lahat, hindi ba? Bakit hindi pa maubos-ubos ang mga pagkakataong wala namang magagawang mabuti sa buhay ko kundi ang paiyakin ako? Kung mauubos lang ang mga pagkakataong iyon, paniguradong matatapos ang kabiguan ko. Dahil sa lahat ng pagkakataon, bigo nga ako. Magulo, mahirap ipaliwanag, at paniguradong walang makakaintindi. Kung meron man, kaunti lang. At yung mga katulad kong bigo lang din. Siguro napakasarap ng pakiramdam kapag sa tamang panahon ay nagtagumpay na ako sa mga pinaplano ko. Siguro tatawanan ko ang bawat sandaling umiiyak ako dahil sa mga simpleng kabiguan na napagdaanan ko, mula pa noon hanggang sa ngayon. Siguro mapapalitan ng pasasalamat ang bawat hinanakit at daing na mayroon ako ngayon. Siguro darating din ang panahon na ang sa tingin kong tama ngayon ay mali pala talaga. Siguro malalaman ko na ang kasagutan sa lahat ng katanungang gumugulo at sumasagi sa isip ko sa tuwing nabibigo ako. Siguro sa tamang panahon, mali, sa takdang panahon, ay makakamtan ko na kung ano ba ang nakalaan para sa akin. Siguro ang mga dating panaginip ko ay magiging totoo na. Siguro ang mga pangarap ko't hangarin ay maaabot ko na. Gaano man katayog, gaano man kaimposible, at gaano man kawalang-kabuluhan para sa iba. Lahat ng ito ay siguro lang. Walang kasiguraduhan.

May katapusan ang lahat, oo, iyan ay isa sa mga paniniwala ko. Subalit isang maliit na bahagi sa aking utak ang kamakailan lang na sumalungat sa paniniwalang ito. Naisip ko lang, hindi ba't isang konkretong halimbawa ang mga taong nabuhay nang mahirap, at namatay nang mahirap, ang nagpapatunay na minsan hindi na natatapos ang lahat. Oo nga't natapos ang paghihirap, subalit ito'y sa pamamagitan ng kamatayan. Bakit? Ibig bang sabihi'y kinakailangan mo munang mamatay kung may gusto kang tapusin sa buhay mo? Napakasaklap at napakapait. Marahil ang isang tulad ko'y wala nang makitang kaliwanagan. Puro kadiliman, puro pagdaramdam, pero patuloy pa rin na lumalaban. Sa kabila ng mga hamon at pagsubok ng buhay, heto ako't nakikipagsapalaran. Umaasa na baka doon ko matagpuan ang tunay kong kapalaran. Naging mahirap na para sa akin ang gumawa o mag-isip pa ng mga planong gusto kong gawin. Bakit ko pa kailangang magplano kung ang plano pa rin ng Diyos ang masusunod, hindi ba? Naisip ko na baka magkasalungat kami ng kagustuhan kung kaya't susunod na lamang ako sa agos. Kung saan man ako dalhin at kung saan man ako mapadpad, marahil iyon ang plano Niya. Siguro sa paraang iyon, ako at ang aking kapalaran ay magkakasundo na. Siguro sa paraang iyon, maiibsan na ang mga kabiguan ko. Siguro iyon nga ang kapalaran ko na dapat kong tanggapin. Siguro iyon nga ang dapat kong gawin upang mawala na ang mga pag-aalinlangan ko. Subalit muli, ang lahat ng ito ay siguro lang. Walang kasiguraduhan.


A rain to make you sick.
A bow and an arrow to kill you.

RAINBOW.

0 Mga Komento:

Mag-post ng isang Komento

Mag-subscribe sa I-post ang Mga Komento [Atom]

<< Home