A Sort of Philosophy

Larawan Ko
Pangalan:
Kinalalagyan: Philippines

I am a writer. A critical thinker. A philosopher. Emotional, Realistic, Pessimistic, Perfectionist.

Linggo, Marso 27, 2011

Pagsisimba, Sukatan ba ng Pananampalataya? (Sanaysay)

Sa buhay natin dumarating ang mabibigat na pagsubok na siyang susukat kung gaano tayo katatag at gaano tayo kalapit sa Diyos. Minsan ay nararanasan natin na madapa, at dahil sa sobrang lalim ng sugat nito ay hindi na natin magawang bumangon pa. Ganunpaman, pipilitin pa rin nating tumayo dahil may pinanghahawakan tayo, at ito ay ang pananampalataya sa Diyos.

Tuwing linggo, makikita natin ang mga pamilyang sama-samang nagsisimba. Maaaring nagpapasalamat, humihingi ng tulong, o kaya naman ay nagbabawas ng kasalanan. Nakakatuwa naman dahil sa sobrang abala na ng mga tao ngayon, ay di pa rin nila nakakalimutang bumisita sa tahanan ng ating Panginoon. Subalit minsan ay sumagi sa isip ko, nasusukat ba sa lingguhang pagsisimba ang pananampalataya? Dahil ba sa pagsisimba ay maliligtas ka na?

Naisip ko, ang hindi pagsisimba ay isang pagkukulang bilang isang tao, ngunit marahil ay hindi ito nangangahulugang malayo ka sa Diyos. Hindi ba’t ang pagpapakita ng kabutihan sa kapwa mo ay isang batayan kung ikaw ay may pananampalataya sa Kanya? Ang pagdarasal, kung saan ay tinatawag natin ang pangalan Niya, ay siyang nagpapatunay na naaalala natin Siya. Nagtatanong ako sa sarili ko kung bakit may mga taong mababa ang tingin sa mga taong di nagsisimba. Tila ba nauunahan na sila ng panghuhusga at naiisip agad ang mga negatibong bunga ng hindi pagsisimba.

Pero di ba’t may mga taong nagsisimba lamang upang magawa ang kanyang tungkulin bilang tao, at ang totoo nama’y hindi niya naisasagawa ang kung ano mang natutunan niyang aral mula sa salita ng Diyos? Di ba’t may mga taong gusto lamang mabansagang “banal” ngunit hindi rin naman naipapakita ang magandang asal na napulot nya sa pagsisimba? At di ba may taong gusto lamang linisin ang kanyang pangalan, alisin ang bahid ng kasamaan ngunit patuloy pa ring gumagawa ng kasamaan? Sa panahon ngayon, tumataas na ang antas ng kaisipan ng mga tao, at unti-unti nang nawawalan ng kahulugan ang pagsisimba dahil sa masasamang gawi natin. Iba-iba tayo ng paniniwala ngunit para sa akin, mas dapat natin isaalang-alang ang kabutihan kaysa sa pagsisimba na may halong pagpapakitang-tao at paghahangad lang na mapunan ang kanyang mga pagkukulang. Hangga’t alam natin na nasa puso natin ang Diyos, tiyak na mananatili Siya sa ating kalooban at mananaig ang kabutihan anuman ang mangyari.Dahil dito ay magkakaroon tayo ng matatag na pananampalataya na hindi masisira ng kahit ano at magpapadala sa anumang sinasabi o inihahatol ng iba.


Bakit Hindi Mo Isipin?


Pag ikaw ay may problema, di mo ipinapakitang malungkot ka.
Pag ikaw ay nasasaktan, pilit ka pa ring ngingiti kahit ika’y iiyak na.
Pag ikaw ay galit, kinakalimutan mo na lang ito.
Dahil ang lahat ay ayaw ng kaaway---pero lahat ng tao ay may kaaway.
Pag ikaw ay nagsasawalang-kibo, gusto mo nang magsalita.
Pag ikaw ay nanahimik, ikaw ay duwag.
Pag ikaw ay nagsalita, marami ang magbabago.
Pag nagawa mo na ang isang bagay, gusto mong magsisi.
Kung tama ito---nagsisisi ka dahil hindi mo ito ginawa noon pa.
Kung mali ito---nagsisisi ka dahil sinabi o ginawa mo pa ang mga bagay na ‘yon.
Walang kasiguraduhan sa lahat ng desisyon.
Ang lahat ay may kaakibat na positibo at negatibong bunga ng bagay na iyong ginawa.
Pag ikaw ay humingi ng tawad, may kasalanan ka.---
Ngunit hindi ‘yon nangangahulugang tama siya.
Ang lahat ay gusto ng kapayapaan.---pero hindi ang hustisya.
Dahil magkakaiba ang paningin ng tao tungkol sa hustisya.
At walang nakakaalam kung ano nga ba ang hustisya sa mata ng Diyos.
Pag ikaw ay nakikinig sa isang tao, hindi ibig sabihin na inaayunan mo siya.
Kundi dahil gusto mo lang malaman ang nilalaman ng puso at utak niya.
Pero kapag binasa mo ito, nangangahulugang interesado ka sa sinasabi ko.
Tama ako di ba?
See your reflection not in the mirror.
See it by your shadow, and measure how dim it is.


Sabado, Marso 26, 2011

Bigo


Muli, nakaranas ako ng kabiguan.

Sinabi ko sa sarili ko na hinding-hindi ko ito makakalimutan habang nabubuhay ako. Oo, lahat nga ng mga kabiguang naranasan ko ay itinanim ko sa utak ko. Ito ay sa kadahilanang gusto kong balikan ang mga alaala kung saan nadapa ako at muling tumayo. Gusto kong alalahanin ang mga paghihirap at sakit na nadama ko sa mga pagkakataong nalugmok ako at halos mawalan na ng pag-asa. Marahil isa ngang kahangalan ang gawain kong ito, sapagkat sino ba naman ang maghahangad pang gunitain ang mga pangit na alaala sa kanyang buhay? Ako lang yata ang gumagawa noon. Sa totoo nga lang, heto't sinusulat ko pa ang ilan sa mga karanasang hindi ko malilimutan. O sadya lang na ayokong kalimutan.

Bakit ba kasi lagi akong bigo? Bakit lagi? Hindi ba pwedeng gawing madalang? Pakiramdam ko, napagmamalupitan na ako ng tadhana. Ayaw makipagkasundo sa akin ng sarili kong kapalaran. Pilit kong iniisip kung ano ba ang pagkakamaling nagagawa ko at kung ano ba ang mga pagkukulang na dapat kong punan. Sa bawat pagluha ko, pinipilit kong ngumiti para masabing may natitira pang pag-asa, sa ibang pagkakataon. Pero, hindi na ba mauubos ang mga susunod pang pagkakataon? May katapusan ang lahat, hindi ba? Bakit hindi pa maubos-ubos ang mga pagkakataong wala namang magagawang mabuti sa buhay ko kundi ang paiyakin ako? Kung mauubos lang ang mga pagkakataong iyon, paniguradong matatapos ang kabiguan ko. Dahil sa lahat ng pagkakataon, bigo nga ako. Magulo, mahirap ipaliwanag, at paniguradong walang makakaintindi. Kung meron man, kaunti lang. At yung mga katulad kong bigo lang din. Siguro napakasarap ng pakiramdam kapag sa tamang panahon ay nagtagumpay na ako sa mga pinaplano ko. Siguro tatawanan ko ang bawat sandaling umiiyak ako dahil sa mga simpleng kabiguan na napagdaanan ko, mula pa noon hanggang sa ngayon. Siguro mapapalitan ng pasasalamat ang bawat hinanakit at daing na mayroon ako ngayon. Siguro darating din ang panahon na ang sa tingin kong tama ngayon ay mali pala talaga. Siguro malalaman ko na ang kasagutan sa lahat ng katanungang gumugulo at sumasagi sa isip ko sa tuwing nabibigo ako. Siguro sa tamang panahon, mali, sa takdang panahon, ay makakamtan ko na kung ano ba ang nakalaan para sa akin. Siguro ang mga dating panaginip ko ay magiging totoo na. Siguro ang mga pangarap ko't hangarin ay maaabot ko na. Gaano man katayog, gaano man kaimposible, at gaano man kawalang-kabuluhan para sa iba. Lahat ng ito ay siguro lang. Walang kasiguraduhan.

May katapusan ang lahat, oo, iyan ay isa sa mga paniniwala ko. Subalit isang maliit na bahagi sa aking utak ang kamakailan lang na sumalungat sa paniniwalang ito. Naisip ko lang, hindi ba't isang konkretong halimbawa ang mga taong nabuhay nang mahirap, at namatay nang mahirap, ang nagpapatunay na minsan hindi na natatapos ang lahat. Oo nga't natapos ang paghihirap, subalit ito'y sa pamamagitan ng kamatayan. Bakit? Ibig bang sabihi'y kinakailangan mo munang mamatay kung may gusto kang tapusin sa buhay mo? Napakasaklap at napakapait. Marahil ang isang tulad ko'y wala nang makitang kaliwanagan. Puro kadiliman, puro pagdaramdam, pero patuloy pa rin na lumalaban. Sa kabila ng mga hamon at pagsubok ng buhay, heto ako't nakikipagsapalaran. Umaasa na baka doon ko matagpuan ang tunay kong kapalaran. Naging mahirap na para sa akin ang gumawa o mag-isip pa ng mga planong gusto kong gawin. Bakit ko pa kailangang magplano kung ang plano pa rin ng Diyos ang masusunod, hindi ba? Naisip ko na baka magkasalungat kami ng kagustuhan kung kaya't susunod na lamang ako sa agos. Kung saan man ako dalhin at kung saan man ako mapadpad, marahil iyon ang plano Niya. Siguro sa paraang iyon, ako at ang aking kapalaran ay magkakasundo na. Siguro sa paraang iyon, maiibsan na ang mga kabiguan ko. Siguro iyon nga ang kapalaran ko na dapat kong tanggapin. Siguro iyon nga ang dapat kong gawin upang mawala na ang mga pag-aalinlangan ko. Subalit muli, ang lahat ng ito ay siguro lang. Walang kasiguraduhan.


A rain to make you sick.
A bow and an arrow to kill you.

RAINBOW.

Linggo, Marso 20, 2011

Just a Thought



Minsan may mga bagay na nakalaan na sa atin, 
at ang bagay na iyon ay minsang siya rin namang
 nais nating makamtan
Subalit may mga pagkakataon na naililihis 
natin ang mga bagay na dapat nga'y nakalaan 
na sa atin dahil sa mga pangyayaring hindi inaasahan
 at sitwasyong nakakapagpabago ng
takbo ng ating buhay. Sa mga panahong iyon,
 maitatanong mo sa iyong sarili
kung bakit nga ba ito tinatawag na
“laan” kung ang totoo nama'y hindi
ito nagtutugma sa alam mong dapat
ay para talaga sa iyo?
Laan ba ang bagay na sa huli'y
binawi rin sa iyo?
Laan bang matatawag ang kapalarang



hindi mo naman inaasahan?


Na kahit anong gawin mo'y sadyang
hindi mo na ito mabago?
Kung totoo ngang may nakalaan na para sa iyo,
ano pang silbi ng pagsisikap, pagtitiyaga,
at paghahangad ng mga bagay na wala sa iyo?
Aanhin mo ba ang mga paghihirap
na dinaranas mo sa kasalukuyan,
kung ang nakalaan naman para
sa iyong kinabukasan ay isang
masagana at maginhawang buhay?
Ano nga ba? 


Tama bang sabihin na:
"Ang nakalaan sa'yo ay inilaang mawala at bawiin din." ?


Why is it possible to happen?
The positive side of life coincides with the negative one.

And so it goes.
I will write anything that comes into my mind.
I know, I am a true writer.